Hindi na ata ako marunong magkuwento.
Nitong mga nakaraan, napapansin kong malabo, paligoy-ligoy, at hirap na akong maghanap ng mga tamang salita. (Problema ko na ito dati pa bilang trilingual, pero ibang kaso ‘to.) Napapadalas din ang mahahabang pause ko dahil hindi ko alam kung paano sisimulan, susundan, o tatapusin ang isang istorya.
Isang beses nangumusta ang isang colleague tungkol sa trabaho at buhay. Tumatalon ang kuwento ko mula sa kung paano ako nahumaling sa pagbibisikleta tungo sa kung paano ko nireklamo ang mga problema sa opisina.
Kung sinulat ko nga ang mga pinagsasasabi ko noong araw na iyon, malamang pinunit ko na ang papel, ginusot, at itinapon sa basurahan. Mahirap kasing basahin at unawain ang kuwento dahil sa dami ng kuwit at ideya sa isang pangungusap.
“Ano ba naman ‘yan, Misyel,” sa utak ko.
May isang beses naman na gusto ko na lang talagang maglaho. Nagkukuwentuhan kami ng mga ka-team ko no’n, patay na oras na sa opisina at naghihintay na lang ng uwian. Ang tagal ng pause ko habang nagkukuwento dahil hinahanap ko ‘yong tamang salita sa tinutukoy ko: namatay ang baby habang nagbubuntis siya.
“Nalaglag ‘yong baby,” sabi ko ba naman.
Natawa ‘yong mga ka-team ko, maski ako. “Nakunan?” pagkaklaro ng katabi ko.
Iniisip ko tuloy kung bakit ako nahihirapan nang magkuwento. Maraming puwedeng dahilan e. Baka dahil hindi na ako masyadong nakakapagbasa at nakakapagsulat? Nilalamon na ng mga responsibilidad sa bahay? Palagiang pagbabago ng setup at nakakasama sa opisina? Mga pinipigilang emosyon? O ayoko lang talagang ibukas ang sarili at magkuwento?
Ewan.
Ang problema pa, dahil tinuturing ko (at ng iba pa, naks haha) ang sarili bilang manunulat, may expectation at pressure palagi na dapat mahusay magkuwento. Hinahanapan ng magic ang lahat ng bagay, kahit ang mismong pag-iral lang. Na ang totoo, madalas hindi naman posible dahil kailangan pa rin ng panahon para mag-isip o mag-reflect.
O siguro harsh lang ako sa sarili ko. Siguro ang kailangan kong gawin ay tuluyang tanggapin ang kasalukuyang sitwasyon ko at ang mga limitasyong kaakibat nito. Siguro kailangan ko lang magpatuloy sa pagkuwento.

Leave a Reply