eli’s ride no. 7

20260601
Distance: 3.70
Elevation Gain: 34 m

Short n’ sweet, ika nga ni Sabrina Carpenter. Maikli man ang ride, na-enjoy ko pa rin haha

Bumili ako ng mga gamot sa Mercury kanina. Buong panahon na nagbibisikleta ako papunta roon, iniisip ko na paano ko ipaparada ‘yong bike ko. Wala pa akong nabibiling lock at masyado pang bago si eli para pabayaan ko lang sa kung saan-saan.

Mabuti na lang pagdating ko roon ay may parking boy na nakaupo sa gutter sa labas ng drugstore. Blonde siya, may pinaglalaruang mga barya. Pinakiusapan ko siya na bantayan muna si eli habang bumibili ako sa loob. Alam kong mapagkakatiwalaan ang mga tulad nila.

Nasa loob din kasi ang guwardiya ng drugstore kaya hindi ko mapakisuyuan na bantayan ang bike ko. Tinuturo niya lang ‘yong bakanteng espasyo sa may motorcycle parking [kasi siyempre wala silang bike racks for parking :)] para doon ko i-park si eli.

Habang nakapila sa counter, hindi ko mapigilang lingunin nang paulit-ulit iyong bike ko kahit na tiwala naman ako sa nagbabantay. Dito ko na-realize na kailangan ko na ng lock, matibay na lock.

Nabudol din ako ng staff na kumuha na ng Suki card. Maganda ang sales pitch niya kaya naengganyo na rin akong kumuha no’n. Well, adult thingz din naman. Kailangang i-maximize ang lahat ng paraan para makakuha ng points at makatipid.

Kaya ayun, meron na akong Suki card! Yehey

Inabutan ko rin ng pera at nagpasalamat sa blondeng parking boy. Papel na pera ang binigay ko para hindi niya mapaglaruan.

Leave a Reply