[TBT] Walks after shift

Hindi ko mami-miss ang Cubao. Alam kong mapapadpad pa rin ako roon para makipag-chikahan sa mga dating katrabaho at kaibigan, para lumamon ng bagnet kare-kare sa may 13th Ave., para magsayang ng oras at magpaka-hipster sa mga ukayan at Cubao Expo, manood ng mga event, at kung ano-ano pa.

Saka hello? Paano ko maiiwasan ang center of the universe?

Ang mami-miss ko sa mahabang panahong (yes, mahaba na ‘yon) pagtatrabaho sa Cubao ay ang paglalakad pauwi kapag galing shift. Umaga man o gabi, nilalakad ko ang minsang lagpas 10 km, pero madalas na 5 km o 8 km, na ruta mula Cubao hanggang Commonwealth Ave.

Na-witness ko nga ang mga pagbabago sa mga lugar na dinadaanan ko. Halimbawa ang signipikanteng pagbabago sa bungad ng K-H kapag galing Cambridge St. o Ermin Garcia St. sa Brgy. E. Rodriguez. Mula sa itsura nito noon na mala-iskwater hanggang sa i-demolish ang mga kabahayan, hanggang sa pagsisimula ng konstruksiyon para sa itatayong QCitizen Homes, naroon ako–usyoso, binabantayan ang mga pangyayari sa paligid kasabay ng iba pang naglalakad.

Ngayon, hindi ko na masusundan ang transformation ng nasabing lugar. (Unless siguro kung magbibisikleta ako at doon dadaan.)

Hay, isang linggo pa lang pero pinagninilayan na ang mga ganapz haha



[E. Rodriguez, Quezon City; 2025-2026]

Leave a Reply